Mabigat na pagsubok kanyang hinarap
maraming beses luha'y pinigilang pumatak
maliit na balikat, pinasan ang lahat
di man makayanan dahil musmos pa lamang.
patak ng luhang di marinig . . .
ay umalingawngaw sa gitna ng dilim.
bawal bang lumuha?
bawal bang mangarap?
hayaan siyang lumuha dahil mahina
hayaan siyang mangarap dahil musmos pa lamang
hayaan mong pumatak sa kanya ang ulan . . .
siya ay malaya't magandang bulaklak
na tumubo sa gitna ng parang.
at kung may pagkakataon na siya'y aking mayakap
. . . ikukulong sa bisig kahit saglit lang.
at upang tuluyang siyang maging akin
. . . pitasin sa hardin, hagkan at kunin.
dantay ng kamay sa pisngi'y ingatan
baka magising at maalimpungatan
tanging sa pagtulog makakamtan ang laya.
pagtitig sa mata'y pag-alinlanganan
sa kabila ng luha'y baka iyong malaman
kasalanang di ginawa'y kung paano pinagbayaran.
at ang piping hangin ay malayang umihip
dumantay sa pisngi't siya lang ang makarinig
buhay ay patuloy pa rin.
bawal bang lumuha?
bawal bang mangarap?
hayaan siyang lumuha dahil mahina
hayaan siyang mangarap dahil musmos pa lamang
hayaan mong pumatak sa kanya ang ulan
siya ay katulad ng isang damong ligaw,
tulad ko ring isang damong ligaw!