Gaano kasaya ang naglalakad
Sa dalampasigan?
Langhap ang simoy ng hangin,
Dinig ang huni ng ibong malaya,
Ang hampas ng alon sa iyong paanaan...?
Di mo maipinta kung wala ang iyong sinta.
Ang mga panahong di mawala sa isipan-
Ang kurot at lambing,
Ang iyak at halakhak,
Ang hirap at tagumpay,
Ang bagabag at pag-asa,
Sabay tayong maglalakbay na magkahawak-kamay.
Hatid mo'y bukas
Bagong umaga't pananaw
Na ika'y 'di ipagpapalit
Pagkat ako'y para sa'yo
At ika'y para sa 'kin.
Ang buhay kong ginawa mong bahaghari-
Noon ako'y dilaw at ngayo'y luntian,
Ang puso kong pula na ngayo'y bughaw,
Sa kinabukasan na silip ko'y puti
Tiyak kong ako'y wagi.
Kayanin kaya natin ang ulan?
Ang ginaw na dulot nito,
Sa bawat patak na dumadaloy sa ating katawan,
Sana'y ating malampasan
Upang makitang muli ang sinag ng araw.
Naisip mo na bang
Maglakad sa karagatan?
O kaya'y sungkutin ang buwan at lumipad na gamit ang sagwan?
Halika't tayo'y mangarap,
Ating abutin at magsikap,
Balang araw mahimbing tayong makakatulog sa ulap.
Di man kaakit-akit ang aking tinig-
Ako sa'yo'y may handog na awit
Na "labis kitang mahal",
"Ipaglalaban ko hanggang sa dulo ng mundo".
Pinalad yata akong mandaragat
Sa nagdaang bagyo,
Habagat at amihan,
Nasira man minsan ang aking lambat
'Di mo ako pinabayaan
Sa bangkang 'di matataob magpakailanman.
Ang araw na nasa hilaga
Taglay ang kulay sa kislap ng mata'y mahiwaga,
Para bang ikaw kahit na nasa malayo,
Abot ka pa rin ng isip ko't puso.
Sa muli nating paghaharap,
Hangad ko'y ika'y mahagkan at mayakap,
Mapasyal ka sa baybayin,
Masayang usapan at kainan sa ilalim ng takipsilim.