I.
Iniibig kita aking mahal,
Ng buong puso’t katapatan,
Sa iyong mga bisig,
Ako’y mananahan.
II.
Kinukopkop ako at tinutulungan ng iyong pagmamahal,
Upang mga hamon sa buhay ko’y aking malampasan,
Wagas na pagmamahal ang aking isusukli,
Sa puso mong sa aki’y nagmahal ng tangi.
III.
Pagsinta ko’y madarama sa bawat sandali,
Sa iyong tabi ako’y mananatili,
Walang pag-aalinlangan kong tatahakin landas nitong buhay,
Pagmamahal mo sa twina ang lagi kong gabay.
IV.
Ako’y isinilang sa mundo na may kaakibat na tungkulin,
Ako’y naririto upang ika’y ibigin,
Ako’y naririto upang pagdurusa sa puso mo’y pawiin,
Ako’y naririto, sagot sa’yong dalangin.
V.
Ang saktan ka’y di ko magagawa,
Ang paluhain ka’y di ko makakaya,
Ang iwan ka sa isip ko’y walang-wala,
Magpasahanggang libing, kita’y mamahalin, yan ang aking sumpa.
VI.
Karugtong ka nitong buhay ko,
Bawat pintig nitong puso’y laan sa’yo,
Aking tutuparin lahat kong mga pangako,
Ikaw ang nagturo sa pusong magmahal ng totoo.
VII.
Magulong mundo ko’y iyong binago,
Ginawa mong tahimik at makulay ito,
Sinikap mong ituwid mga maling pananaw ko,
Binago mo ako dahil sa busilak mong puso.
VIII.
Sa Puong Maykapal aking isinumpa,
Na sa buong buhay ko’y paglilingkuran ka,
Sa iyo’y lagging ihahain wagas kong pagsinta,
At nang sa gayon, ika’y wala nang hahanapin pa.
IX.
Sa Puong Maykapal sinta lagi kong dalangin,
Sa pangangalaga ko ikaw sana’y wag niyang Kunin,
Natatanging regaling mahal sa akin,
Ikaw at ang pagsinta mong di kayang sukatin.
X.
Kailanma’y di ka isusuko,
Ako’y lalaban sa ngalan ng pag-ibig mo,
At kung sakali mang ako ay mabigo,
Mananatili parin ako, kapiling mo, kahit nasa malayo.
XI.
Laging panghahawakan ko ang pangakong iniwan,
Na sa ati’y walang makapaghihiwalay, kahit pa ang kamatayan,
Madapa ma’t masugatan ay muling babangon,
Sa tawag ng iyong pagsinta, ito ang aking tugon.
XII.
Sa piling mo ako’y mananahan,
Ngiting kaaya-aya sa labi ko’y masisilayan,
Tanda ng labis na ligayang sa’yo lang natagpuan,
Ng kita’y tinanggap at minahal, alam kong ito’y di ko pagsisisihan.
XIII.
Walang hindi kayang tiisin,
Lahat ay aking kakayanin,
Kung ang nakataya,
Ay ang pagmamahalan natin.
XIV.
Di alintana hirap at pasakit,
Madama lang ligayang asam nitong dibdib,
Pansariling interes di ko papangibabawin,
Kaligayahan mo mahal, siyang una sa akin.
XV.
Maging mapagmahal, maunawa’t mapagpasensiya,
Ang siyang susi sa pangmatagalang pagsasama,
Maging maalalahanin, wag kalimutan ang lambing,
Ang siyang susi sa mas lalong tumatamis na paggiliw.
XVI.
Tanggap ko ang lahat sa iyo,
Buong puso kong inakap ang mga ito,
Buong pagtitiwala ko’y binigay na sa iyo,
Alagaan mo sana’t pakaingatan ito.
XVII.
Sa konting di pagkakaunawaan ako’y di padadala,
Kahit anong mangyari, minamahal parin kita,
Malawak na pag-uunawa ang tangi kong panangga,
Sa tunay na pagmamahal natin, tukso’y di uubra.
XVIII.
Kung darating man ang sandaling tayo’y magkakalayo,
Alalahanin mong sa’yo nakatali yaring puso,
Gaano man ka tagal, di magsasawang maghintay,
Sa bisig ng isa’t-isa tayo ay hihimlay.
XIX.
Sa kalungkutan mo ako’y iyong karamay,
At ngingiti naman sa oras ng iyong tagumpay,
Habang humihinga, habang nabubuhay,
Pag-ibig kong wagas, sa’yo ibibigay.
XX.
Lahat ng ito’y aking gagawin,
Panata ng pusong tapat at taimtim,
Matamis na pagsasama ating panatilihin,
Nang ang tunay na ligaya’y mapasaatin.